ARALIN 3: BLOG

BLOG: Mga suliraning kinakaharap ng mga mag-aaral sa San Roque, Castilla, Sorsogon sa gitna ng pandemya.
Ako si Lara May M. Millena, taga San Roque, Castilla, Sorsogon na isa lamang sa mga mag-aaral na nakararanas ng problema pagdating sa signal. Ang nasabing lugar ay walang gaanong signal. Isa ito sa pinaka pinoproblema naming mag-aaral dito sa aming lugar lalo na at online learning ang paraan ng pag-aaral ngayon na dulot ng pandemya. Hindi madali ang hirap na dinaranas namin, bawat pagpasok at pagbukas namin ng link sa google meet ay kaakibat ang pagbilad namin sa arawan at kung minsan ay inuulan pa, swerte na lamang kung malilim at medyo mahangin.

Sa larawan makikita na may kubo upang kahit papaano ay may masisilungan kami sa oras na umulan o masiyadong mainit na ipinagpapasalamat namin sa barangay, ngunit hindi rin sapat upang maprotektahan kami sa malakas na ulan at init. Wala ring ilaw upang makita namin ang mga binabasa namin kapag hanggang gabi ang aming klase at kapag may tinatapos kaya nagtutulungan kaming mga kapwa estudyante na bigyang liwanag gamit ang flashlight sa mga cellphone ang isa't-isa, madalas din kaming nilalamok dahil may kasukalan ang paligid ng lugar, minsan lalabas kami ng bahay kahit umuulan para manaliksik, magpasa ng mga gawain, mag attendance at makapag attend ng mga meetings.

Saksi ang aming mga kabarangay, mga kaibigan, kalapit barangay at maging ang ibang mga guro sa kung papaano kami nakikipagbuno makahanap lang ng signal, magkaroon lang ng kalinawan na may kinalaman sa paaralan.

Gayunpaman, bilib ako sa tibay ay didikasyon ng mga kapwa ko mag-aaral dahil kahit na ganito ang aming sitwasyon ipinagpapatuloy pa rin namin ang maganda naming mithiin para sa aming sarili, pamilya at maging sa bayan. Hindi namin inisip na sumuko dahil alam naming balang araw makakatulong kami sa mga susunod na mga henerasyon upang hindi na nila maranasan ang mga hirap na pinagdaanan namin. Marami man ang humadlang upang makamit ang mga pangarap iisipin lagi na may mga tao ngang nalagpasan ang mas mahihirap pang pagsubok ano pa kaya tayong may nasimulan at may panglaban na. Kaakibat ng tagumpay ang pagsubok, kayang-kayang lagpasan; tayo ang pag-asa ng bayan.

Popular posts from this blog

Unique tradition: Millena

SELF INTRODUCTION: Lara May M. Millena